Uminit ang naging diskusyon ng Senado hinggil sa pagdinig sa isyu sa extrajudicial killings sa bansa.
Inusisa kasi ni Sen. Alan Peter Cayetano ang kredibilidad ni Edgar Matobato, ang testigo na nagdiin sa Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pagpatay noong alkalde palang ito ng Davao.
Kwestyunable sa mata ni Cayetano ang mga hindi magtugmang impormasyon na ibinibigay ng testigo.
Sa kalagitnaan ng pagdinig nagkainitan naman sina Cayetano at Sen. Antonio Trillanes.
Giit ni Trillanes na ang ginagawang pagtatanong ni Cayetano kay Matobato ay nagbibigay ng kalituhan sa testigo.
Nagsumbong naman si Cayetano sa komite na pinagbantaan daw siya ng kanyang katabing si Trillanes.
Umabot pa sa punto na pinatayan na ni Trillanes ng mikropono si Cayetano para huminto na ito sa pagsasalita.
Ngunit hindi pa dito natapos ang aksyon dahil sumunod namang nakasagutan ni Cayetano si Sen. Leila de Lima.
May pagkakataon pa na idineklara ni De Lima na "out of order" si Cayetano.
Kung maalala ang bangayan nina Cayetano at Trillanes ay nagmula pa noong halalan kung saan kapwa tumakbo ang dalawa sa pagka-bise presidente.
Samantala, napagkasunduan ng komite na isailalim sa pangangalaga ng Senado si Matobato sa pagpapatuloy ng kanilang pagdinig.